MANILA, Philippines - Para kay bagong PBA Commissioner Chito Salud, hindi patas ang orihinal na transaksyon sa pagitan ng Powerade at Meralco na kinabibilangan ni Asi Taulava na siyang naging dahilan upang i-rebisa ng dalawang koponan ang kanilang trade.
Inaprubahan ng bagong commissioner ng kauna-unahang propesyunal na liga sa Asya ang paglipat ni Taulava sa Meralco kapalit ni Rob Reyes at ng second round draft picks ng Meralco sa 2011 at 2012.
“I found the original trade terms unequal and unbalanced,” ani Salud.
Ang naunang kasunduan ng dalawang koponan ay ibibigay ng Powerade si Taulava sa Meralco kapalit si Reyes at ang future pick ng koponan sa second round ng 2013 rookie draft.
“That’s better for us. We got more opportunities to pick up potential players in the future,” pahayag ni Powerade mentor Dolreich “Bo” Perasol hinggil sa naturang trade.
Nakuha naman ng Meralco ang pagpayag ni Salud sa kanilang transaksiyon sa Barako Energy Coffee na kinabibilangan nila Ken Bono, Khazim Mirza at Jason Misolas.
Sa edad na 37, ikinukunsidera pa rin ang 6’9 slotman na si Taulava bilang isa sa mga pinakamahusay na manlalaro sa liga habang ang incoming third year na si Reyes naman ay naghahanap pa rin ng koponan na magiging “bahay” niya.
Ang Fil-Tongan na si Taulava na lalahok sa Asian Games ay nagtala ng 11.2 puntos, 11.5 rebounds, 3.1 assists noong huling season habang si Reyes naman ay naglista lamang ng 5.3 puntos at 5.0 rebounds kada laro.