Game 1 kanino?

MANILA, Philippines - Marami na ang nasabi sa hanay ng mga coaches ng Ateneo at FEU.

Sa araw na ito ay pilit nilang papangatawanan ang mga naunang binitiwang pananalita sa pagsisimula ng 73rd UAAP men’s basketball Finals sa Araneta Coliseum.

Ganap na alas-4 ng hapon itinakda ang sagupaan at masasabing balikatan ang bakbakan sa pagitan ng Eagles at Tamaraws.

Pakay ng tropa ni coach Norman Black na maibigay sa Katipunan-bases University ang ikatlong sunod na titulo, bagay na hin­di pa nila nagagawa kahit noong naglalaro pa sila sa NCAA.

Sa kabilang banda ay hangad na­man ni coach Glen Capacio na ma­wakasan ang matagal ng pagkauhaw sa kampeonato ng Morayta-based University dahil taong 2005 pa ng huling na­nalo ang koponan.

 Ang Ateneo ang numero-unong ko­po­nan sa depensa at pangalawa sa rebounding pero hindi nakaporma ang Eagles sa number one team sa opensa na Tamaraws matapos kunin ng huli ang72-69 at 74-72 panalo sa eliminasyon.

“They have very good big men who knows how to attack us,” wika nga ni Black na siyang dahilan kung bakit sila natalo sa unang dalawang pagkikita.

Sina Aldrech Ramos at Reil Cervan­tes ay nagsanib sa 22.2 puntos, 15 rebounds, 1 assists at 1 block sa naunang tagisan.

Ngunit dapat ding maging handa ang Eagles sa ipakikita ng ibang manlalaro gaya nina RR Garcia at Te­rence Romeo na tiyak na gagamitin ang Finals series upang maselyuhan ang magandang ipinakikita sa liga.

Si Garcia ang MVP ng liga habang si Romeo ang Rookie of the Year awardee ng taon.

Naghahatid nga si Garcia ng 16.4 puntos kada laro sa elimination at gumawa nga ng 25 at 8 puntos sa unang dalawang pagkikita sa Eagles.

Si Romeo naman ay naghahatid ng 8.2 puntos sa eliminasyon pero naghatid ng 15 at 10 rebounds sa kinuhang 74-72 tagumpay sa ikalawang tunggalian.

Isa pang problema ni Black ay ang di paglalaro ni Edwin Escueta dala ng suspension mula sa ikalawang unsportsmanlike foul sa laban nila ng Adamson.

Bagamat naghahatid lamang ng 3.2 puntos at 3 rebounds, mawawalan ng isang malaking manlalaro si Black sa pagliban sa laro na ito ni Escueta.

Sa kabilang banda, aligaga naman si Capacio sa kawalan ng championship experience ng kanyang koponan na maaaring lumabas sa mahigpitang serye.

“Sana lamang ay maging sapat na motibasyon sa team ang pagkakaroon ng pagkakataon na mabigyan ang FEU ng unang titulo matapos ang li­mang taon,” wika ni Capacio.

Pigilan sina Eric Salamat, Ryan Buenafe, Kirk Long, Eman Monfort at Nico Salva ang pangunahing konsentrasyon ng Tamaraws upang magkaroon ng matibay na tsansa na makuha ang unang panalo.

Ang papalaring koponan ay magkakaroon ng pagka­kataon na mawakasan ang best-of-three serye sa Linggo sa gaganaping Game Two.

Show comments