Cuello pipiliting masikwat ang panalo vs Rachman
MANILA, Philippines - Mula sa pagiging konduktor ng jeepney sa kanilang lugar sa Cabatuan, Iloilo, pipilitin ni Denver “The Excitement” Cuello na makalapit sa pinapangarap niyang world boxing crown.
Nakatakdang sagupain ni Cuello si dating world minimumweight champion Muhammad Rachman ng Indonesia sa Sabado sa IIT Gymnasium ng Mindanao State University.
Isasaere ang naturang laban nina Cuello at Rachman sa alas-10 ng umaga sa Linggo sa GMA 7.
“Gagawin ko po talaga ang lahat ng magagawa ko para manalo kasi kapag nanalo ako may chance akong makalaban sa isang world title fight,” sabi ng 23-anyos na si Cuello.
Itataya ni Cuello ang kanyang suot na World Boxing Council (WBC) International mini-flyweight belt laban kay Rachman.
Bitbit ni Cuello ang 21-4-5 win-loss-draw ring record kasama ang 12KOs, samantalang dadalhin naman ni Rachman, dating International Boxing Federation (IBF) minimumweight titlist, ang 62-8-5 (31KOs).
Ang 39-anyos na si Rachman ang inagawan ni Florante Condes ng IBF crown via unanimous decision noong Hulyo 7, 2007 sa Jakarta, Indonesia.
Natalo na rin si Rachman, nakatakdang dumating sa bansa kagabi, kay Milan Melindo via unanimous decision sa kanilang 10-round, non-title bout noong Marso 14 sa Cebu City.
“Sana ipagdasal ako ng mga kababayan natin na manalo ako para makakuha ako ng title shot sa WBC, WBA at WBO,” hiling ni Cuello.
- Latest
- Trending