MANILA, Philippines - Kung hindi maisasaayos, nakatakdang maglaban uli sa korte ang Top Rank Promotions at Golden Boy Promotions dahil sa kita ni Manny Pacquiao sa huling tatlong laban nito.
Nagsampa ng reklamong racketeering at fraud ang GBP laban kina Top Rank CEO Bob Arum at CFO David Lopez dahil umano sa di pagdedeklara ng tama sa kita ni Pacquiao sa huling laban nito kontra kina Joshua Clottey, Miguel Cotto at David Diaz.
Inakusahan ng GBP na pag-aari ni Oscar De La Hoya na pinalalaki umano ng Top Rank ang mga gastusin upang lumiit ang parte na pinaghahatian ng dalawang boxing promotions.
May porsiyento ang GBP sa lahat ng kikitain sa laban ni Pacquiao na isinasagawa ng Top Rank bilang bahagi sa pagsasaayos sa problemang kinasangkutan ng Pambansang kamao ng pirmahan niya ang dalawang kontrata na inialok sa kanya noong 2006.
Pinabulaanan ito ng Top Rank at naniniwala ring hindi papansinin ito ng korte lalo nga’t mayroon ng umanong usapin dati na lahat ng magiging problema ng dalawang panig patungkol sa mga laban ni Pacquiao ay dapat na idaan sa maayos na usapan.