RP chessers susukatan ang Korea sa Chess Olympiads
MANILA, Philippines - Magandang panimula ang ibibungad ng Pilipinas sa kanilang kampanya sa 39th edisyon ng World Chess Olympiad sa kanilang pakikipagbuno laban sa Korea sa opening round na gaganapin sa Khanty-Mansiysk Sports Development Center ngayon.
Pinapaboran ang Pilipinas na nasa 37th na puwesto sa rankings at may average ELO ranking na 2552 laban sa Korea na nasa 112th puwesto lamang sa rankings ng prestihiyosong torneo na itinuturing na Olympics ng chess.
Pamumunuan ni GM Wesley So, ang may pinakamataas na ELO ratings na 2668 sa bansa sa kasaysayan, ang tangka ng Pilipinas na malagpasan ang kanilang 46th place finish sa Dresden dalawang taon na ang nakalilipas.
Kasama rin ni So sa koponan sina GM John Paul Gomez, Darwin Laylo at Eugene Torre at ang IM na si Richard Bitoon.
Inaasahan naman na isasalang ng Korea ang kanilang mga pambato na sina Munkbat Chogdov na may ELO rating na 2236 laban kay So sa top board kasama sina Shangoon Lee (ELO 2046), Kiyul Lee (ELO 1971), Junil Choi (ELO 1820) at Yougn Hoon Jung (ELO 1923).
Sa women’s division.bubuksan ng Pinay na nasa 50th puwesto sa rankings ang kanilang kampanya laban sa Netherlands Antilles na nasa 110th na puwesto.
Babandera para sa mga Pinay sina WFM Chardine Cheradee Camacho na may ELO rating na 2186, Catherine Peña (ELO rating 2103) at Shercila Cua (ELO rating 2099) kasama sina Ruly Ylem Jose (ELO 2039) at Jedara Docena (ELO rating 2033).
- Latest
- Trending