MANILA, Philippines - Kulang man sa championship experience, sinasandalan naman ni FEU coach Glen Capacio ang pagkagutom ng Tamaraws na magkampeon uli upang makasabay sa nagdedepensang Ateneo sa gagawing 73rd UAAP men’s basketball Finals.
Sa pagdalo sa PSA Forum kahapon , sinabi ni Capacio na hindi niya ikinokonsidera ang kanyang koponan bilang paborito sa best-of-three finals kahit tinalo nila ng dalawang beses sa eliminasyon ang Eagles.
“Hindi garantiya ang dalawang panalo sa eliminasyon. May championship experience sila sa amin at inspirasyon nila ang 3-peat,” wika ni Capacio.
Ngunit hindi naman basta-basta bibigay ang Tamaraws at hindi nga malayong masilat pa nila ang Eagles dahil sa kagustuhang makatikim uli ng kampeonato.
“The positive thing is we’re hungrier and we can deliver against all odds. With God, anything is possible as long as we work hard an do our best,” dagdag pa ni Capacio.
Dumalo rin sa Forum sina FEU players RR Garcia at Jens Knuttel at Ateneo coach Norman Black at para sa huli, hindi naman matatawaran na gutom din ang kanyang koponan lalo nga’t hindi pa nakakatatlong sunod na titulo ang koponan sa kasaysayan ng basketball ng paaralan.
“Our motivation is now to get a three peat. We are as hungry as they are,” pahayag ni Black.
Yumukod ang Eagles sa Tamaraws sa 69-72 at 72-74 sa eliminasyon pero ang pagiging dikit ng laban ang nagpapataas sa kumpiyansa ng Eagles na madadale rin nila ang mahalagang panalo sa FEU.
Sa panig naman ni Garcia na siyang hinirang bilang MVP ng taon, nagpahayag siya ng kasabikan na makalaro sa Finals.
Ang Game 1 ay sisimulan sa Sabado, Setyembre 25 habang ang Game 2 ay lalaruin sa susunod na Huwebes (Setyembre 30). Ang Game 3 kung kakailanganin ay sa Oktubre 2.