Margarito babagsak sa 7th round - Roach
MANILA, Philippines - Hindi tatagal si Antonio Margarito kay Manny Pacquiao.
Ito ang binigkas ni trainer Freddie Roach nang bumisita ito sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon ng umaga.
Sa tingin ni Roach, hanggang pito o walong rounds lamang ang itatagal ng laban at mananalo si Pacquiao sa pamamagitan ng knockout.
“I believe he will go down in the seventh or eight round. We’re preparing hard for this fight and we will do more on lateral movements to counter the longer reach of Margarito,” wika ni Roach.
Sumabak na sa pagsasanay si Pacquiao kamakalawa sa Elorde Boxing Gym sa Quezon City pero ang tunay na pagsasanay ay mangyayari sa Baguio City.
Tutulak bukas ang Team Pacquiao patungo sa City of Pines at dito ay isasailalim na ni Roach ang Pambansang kamao sa matitinding sparring.
Sina Glen Tapia at Manuel Medina ay nakasamang bumiyahe ni Roach mula sa US upang siyang makabugbugan ni Pacquiao sa pagsasanay. May dalawa pang darating kapag nasa Baguio na sila.
“We have four sparring partners and we plan to do 150 rounds of sparring. On Tuesday we will begin sparring,” pahayag ni Roach.
Ang paghahandang ito ay tulad ng paghahanda ni Pacquiao sa mga dating laban pero mas may diin ito dahil makasaysayang ikawalong world title sa magkakaibang dibisyon ang makakamit ng pambansang kamao sa sagupaan sa Nobyembre 13 sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
Ang bakanteng WBC junior middleweight title ang nakataya sa sagupaang handog ng Top Rank sa pangunguna ni Bob Arum.
“As long as he works hard at the gym, I’ll have no problem with that,” saad pa ni Roach.
- Latest
- Trending