MANILA, Philippines - Binigyan ng Philippine Olympic Committee (POC) ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ng hanggang bukas ng alas-5 ng hapon para isumite ang kanilang official line-up para sa 16th Asin Games sa Guangzhou, China.
Ito ang babala kahapon nina Chef De Mission Joey Romasanta at technical committee chairman Moying Martelino sa Smart Gilas ng SBP.
“If they will not submit their entry, what we can do, eh di wala na lang sila,” gigil na wika ni Martelino sa SBP, nasa ilalim ni Manny V. Pangilinan. “If you will not submit an entry it means to say you’re not interested at all.”
Sa una niyang pakikipag-usap kay Smart Gilas team manager Frankie Lim, sinabi ni Martelino na nakiusap ang huli na sa Setyembre 19 nila isusumite ang final line-up.
Ngunit hanggang kahapon ay wala pa ring naibibigay na dokumento si Lim, ayon kina Romasanta at Martelino.
“Thaursday 5 p.m. kailangan nandiyan na ‘yan,” sabi ni Romasanta sa official line-up ng Smart Gilas. “Ang problema diyan may pinipili pa silang isa na isasama. Iyong isasama nilang ‘yon wala pang accreditation.”
Kamakalawa ay inaprubahan na ng PBA Board of Governors ang pagpapahiram kina Asi Taulava ng Powerade at Kelly Williams ng Talk ‘N Text sa Smart Gilas para sa 2010 Guangzhou Asiad.
Hindi na rin aabot sa listahan si naturalization candidate Marcus Douthit na kasalukuyan pang inaayos sa Kongreso ang mga papeles para maging isang Filipino citizen.