MANILA, Philippines - Ang Coors Light NBA Pop-A-Shot Tour, ang carnival-style na arcade basketball shooting na nakatawag rin sa pansin ng mga NBA Superstars na sina Kobe Bryant, Carmelo Anthony, Lamar Odom, Charles Barkley at LeBron James ay dinomina ng Pilipinas, isang basketball-crazy na bansa at lalo pang ginawang malaking bahagi ng bawat Pinoy ang naturang laro.
Bilang bahagi ng National Basketball Association (NBA) Invasion noong nakaraang buwan, ang mga fans ay nagkaroon din ng kanilang sariling basketball game na nagsimula noong Agosto 13 at nagtapos noong ika-25 rin ng naturang buwan sa pakikilahok ng mga NBA Legends, NBA D-League players at mga NBA Dancers sa Pop-A-Shot Finals sa Metrowalk sa Pasig.
Hinimok at sinuportahan ng NBA Legend na si Glen Rice at ng mga D-League players na sina Mark Tyndale, Darnelle Lazare at Chris McCray kasama ang Miami Heat Dancers ang mga finalists ng naturang patimpalak na nasorpresa rin sa pagdating ni PBA Legend Fortunato “Atoy” Co.
Ang mga kalahok na kumuwalipika sa eliminations na ginanap sa The Fort Strip sa Taguig, Home Depot sa Pasig, Bay Park Strip sa Roxas Boulevard, Green and Grills sa Alabang at sa Metrowalk ay nagtagisan ng galing para tanghaling kauna-unahang Coors Light NBA Pop-A-Shot champion.
Ang engineer na si Richard Ching mula sa San Pedro, Laguna na nagkampeon sa Green and Grills leg ng naturang event ang tinanghal na over-all champion sa kanyang itinalang 457 puntos.