MANILA, Philippines - Nagbunga ang paglahok nina Rene Herrera at Henry Dagmil sa 72nd Singapore Track and Field Open Championships nang manalo ng medalya sa kanilang events na nilaro sa Bukid Gombak Stadium, Singapore.
Ang steeplechaser na si Herrera na isa ring Laos SEA Games gold medalist ang umako ng gintong medalya nang maorasan ng siyam na minute at 12.92 segundo.
Tinalo nga ni Herrera sina Ronghua Shi ng Nanyang Technological University at Chin Yang Chua ng Swift na nalagay sa ikalawa at ikatlong puwesto sa bilis na 10:48.64 at 11:11.17 tiyempo.
Tila naramdaman naman ni Dagmil ang kawalan ng magandang laban nang malagay lamang sa pilak sa paboritong long jump event.
Si Dagmil na minalas sa Laos dahil sa injury pero nakabawi naman ng kunin ang ginto sa ikatlo at huling yugto sa Asian Gran Prix sa India noong Hunyo 9, ay nakalundag sa layong 7.40 metro.
Nanalo ng ginto ang 2010 Asian Athletics Indoor Championships gold medalist Rikiya Saruyaman ng Japan sa layong 7.64 meters habang ang bronze medal ay nahablot naman ni Matthew Goh ng Singapore Armed Forces sa 7.01 metro.
Sina Herrera at Dagmil ay kasama sa walong manlalaro ng PATAFA na tutulak din sa Asian Games sa Guangzhou, China.