Red Lions inangkin ang twice-to-beat; Stags nakalusot sa MIT Cardinals
MANILA, Philippines - Kapwa tumipa ng panalo ang mga semifinalists na Stags at Red Lions patungo sa inaasahan nilang ‘rematch’ sa Setyembre 29.
Iginupo ng San Sebastian College-Recoletos ang Mapua Institute of Technology, 85-76, habang inilampaso ng San Beda College ang Jose Rizal University, 78-46, sa second round ng 86th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kumolekta si 6-foot-2 power forward Calvin Abueva ng game-high 27 points, 15 rebounds, 4 assists at 2 shotblocks para pamunuan ang Stags.
Nagdagdag sina Pamboy Raymundo at Gilbert Bulawan ng tig-12 points para sa koponan ni Ato Agustin.
Ipinoste naman ng Red Lions ni Frankie Lim ang kanilang pang 14 sunod na panalo at ang panalo sa Letran Knights sa Huwebes ang duduplika sa itinalang 15-0 winning streak ng Stags noong nakaraang taon.
Tumipa si Garvo Lanete ng game-high 23 points para sa San Beda, habang nag-ambag naman ng 13 si Alder dela Rosa at 10 si PBA-bound Borgie Hermida.
“I didn’t expect this to be a blowout, I though it was going to be close,” wika ni San Beda head coach Frankie Lim. “Defensively this is our best game.”
Kung mawawalis ng Red Lions ang eliminasyon, masisikwat nila ang unang finals seat at maghihintay ng makakasagupa mula sa koponang mananaig sa stepladder phase sa Final Four.
- Latest
- Trending