MANILA, Philippines - Kailangang palitan ng mga collegiate leagues ang kanilang basketball schedule upang maging palaban uli ang Pilipinas sa basketball sa mundo.
Ito ang suhestiyong ibinigay ni Talk N’ Text coach Chot Reyes na uupo bilang special assistant coach ni Serbian coach Rajko Toroman sa pagsagupa ng Gilas national team sa Asian Games sa Guangzhou, China.
Aniya, hindi makabuo ang malakas na panlaban ang bansa na sasanayin sa mahabang panahon dahil patuloy ang pagtanggi ng mga UAAP at NCAA schools na ipahiram ang kanilang mga pambatong manlalaro sa national team kapag idinadaos ang kanilang seasons.
“Ang mga manlalaro ay nag-aaral sa mga paaralang kasapi ng collegiate leagues pero hindi naman sila puwedeng ipahiram kapag nagsimula na ang kanilang season para sa national team,” wika ni Reyes na siyang naunang bumuo ng long term basketball program noong 2005.
Ang Gilas ay may ganitong konsepto pero inamin ni Reyes na hindi nasunod ito dahil kailangan pa rin nilang kumuha ng piling manlalaro sa PBA dahil hindi mabuo sa pagsasanay ang mga inasintang manlalaro noong nakaraang taon na sana’y sasanayin sa mahabang panahon.
Binanggit niya na hindi makuha ni Rabeh Al-Hussaini ang sistema dahil sa pag-aaral nito habang sina Aldrech Ramos, JR Cawaling at Magi Sison ay nagbuhos ng panahon muna sa FEU at UP sa UAAP.
Ang buwan ng Hunyo hanggang Oktubre ay pasok sa FIBA schedule ng mga torneo kaya nga minsan na ring ginawa ng PBA na baguhin ang iskedyul tungo sa Oktubre upang makapaghanda ang koponang binubuo ng PBA players na makapaghanda.