Lady Stags buhay pa
MANILA, Philippines - Pinanatili pa ng San Sebastian College-Recoletos ang kanilang tsansa na makuha ang titulo matapos nilang angkinin ang Game Two ng kanilang best-of-three series laban sa Adamson kagabi sa The Arena sa San Juan.
Kinuha ng Lady Stags ang 24-26, 25-23, 25-22 at 25-20 na tagumpay upang idiskaril ang tangka ng Lady Falcons na selyuhan na ang serye.
Nagbuhos ng 27 puntos si Thai import Jaroensri Bualee upang igiya ang Lady Stags para sa deciding Game Three sa Huwebes habang sinegunduhan naman siya ni mainstay Joy Benito na tumikada ng 19 puntos habang si Suzanne Roces at Elaine Cruz naman ay nagsalo para sa 24 puntos.
Si dating MVP Nerissa Bautista naman ang nanguna sa nabigong tangka ng Lady Falcons na pitasin na ang korona sa kanyang inilistang 19 puntos habang nag-ambag naman ng 17 si Pau Soriano at 13 si Mic Mic Laborte.
Naging maganda ang panimula ng San Sebastian sa unang set ng nakuha nila ang 23-20 bentahe ngunit nagawa pang makabalik ng Adamson sa pangunguna ni Laborte para kunin ang naturang set.
Matapos lumamang sa huling bahagi ng ikalawang set, 19-17, napabayaan muli ng Recto-based spikers ang kanilang lamang, bagay na nagbigay muli ng pag-asa sa mga taga-San Marcelino na makuha ang naturang set ng kanilang itabla ang set sa 23 all, ngunit sa pangunguna ni Benito na umiskor ng dalawang sunod na puntos, naitabla ng Lady Stags ang laro.
Sa ikatlong set naman, nagsanib puwersa sila Bualee at Benito upang pangunahan ang paglayo ng tropa ni coach Roger Gorayeb, 20-12 at hindi na muli pang nilingon ang bataan ni coach Minerva Dulce Pante para angkinin ang 2-1 na kalamangan.
Kinopo naman ng Lyceum ang third place matapos nilang walisin ang kanilang Best-of-Three series laban sa FEU, 25-21, 21-25, 25-20, 25-11.
Samantala, iprinisanta na rin ng Shakey’s at ng Sports Vision ang mga individual awards na pinangunahan ni Suzanne Roces na nakuha ang kanyang ikalawang Conference MVP award. Tinanghal namanang Best Scorer sa ikaapat na pagkakataon si Thai ace Jeng Bualee habang nakuha ni Mary Jean Balse ang kanyang ikalawang Best Attacker award at nakamit naman ni Pau Soriano ang kanyang ikalawang Best Blocker plum. Ginawaran naman ng Best Server trophy si Rachel Daquis, Best Digger si Angelica Vasquez, Best Receiver si Angela Benting at Best Setter si Nikki Tabafunda.
- Latest
- Trending