MANILA, Philippines - Binawi ng Powerchess Asia at ng manager na si Lee fon Man ang kanilang mga “false and untrue” statements laban kay GM Nelson Mariano II sa kanilang website dalawang taon na ang nakakalipas upang linisin ang pangalan ng dating Asian Junior champion mula sa mga mapanirang pahayag na dumungis sa kanyang pangalan.
Nagkasundo rin sila na magbayad ng danyos kay Mariano.
Nilinis ng Singapore District Court ang pangalan ni Mariano matapos gawaran ng summary judgement ang PCA at si Lee at ginawang responsable ang dalawa para sa paggawa ng mga paninira laban sa Pinoy woodpusher at coach ng Chess Kidz na nakabase sa Singapore.
Inatasan rin ng korte ang dalawa na magbayad ng danyos kay Mariano ngunit humingi pa ang PCA at si Lee ng panahon para bayaran ang halaga.
“Internet defamation is difficult to fight. But the Singapore court has dealt with my complaint fairly and efficiently. This serves as a lesson for those who use the internet to intimidate, belittle and humiliate others with impunity,” ani Mariano.
“I am very glad that the case is over. For two years, I constantly worried about the damage done to my reputation and the uncertainty of the legal proceedings. Finally, I was vindicated from these unfounded allegations and can now focus on teaching at Chess Kidz,” dagdag pa nito.
Ang pagbawi ng PCA ay inilagay sa kanilang website na kung saan inamin nila na ang kanilang inihayag na dalawang paratang laban kay Mariano ay hindi totoo.
Inatasan rin ng Singapore Court ang Power Chess at si Lee na iwasan ang muling magsalita at gumawa ng mga mapanirang pahayag sa hinaharap.