Reyes 'Predator King'
MANILA, Philippines - Nakabawi na si Efren “Bata” Reyes sa kabiguang mapanatili sa bansa ang titulo sa World Cup of Pool nang mapagharian ang 10th Annual Predator International 10-Ball Championship na ginanap kagabi sa SM North Edsa, Quezon City.
Nakitaan ng pagiging beterano si Reyes nang hindi mataranta matapos maunang makalayo ang nakalabang si Roberto Gomez upang makumpleto ang 10-9 panalo sa finals.
Dalawang beses na nakalayo sa tatlong racks si Gomez sa mga iskor na 5-2 at 7-4, pero bumangon si Reyes nang kunin ang sumunod na apat na racks sa winner’s break race to nine na tunggalian para makuha pa ang 8-7 kalamangan.
Nakatabla si Gomez at nasa kanya ang momentum ngunit bumigay ang kanyang sargo ng walang nahulog na bola.
Dahil kalat ang pagkakalatag ng mga object ball ay madaling naihulog ni Reyes ang siyam na bola tungo sa runout at ang kampeonato.
Bago ito ay nabigo si Reyes katuwang si Francisco Bustamante na pamanatili ang titulo sa World Cup of Pool ng masibak sila sa second round.
“Nakauna siya pero naging matatag ako sa paghabol at napabor sa akin ang suwerte,” wika ni Reyes na nasundan ang yapak ni Dennis Orcollo na nakuha ang titulo noong nakaraang taon laban kay Ralf Souquet.
Ang pangingibabaw ni Reyes sa finals ang naglagay ng tuldok sa ginawa nitong pagbangon buhat sa loser’s bracket.
Una niyang pinagpahinga si Orcollo, 9-4, bago isinunod si Jeff De Luna, 9-7, para makapasok sa semifinals.
Si Reyes din ang tumapos sa paghahangad ng mga dayuhan sa pamamagitan ng 9-7 tagumpay kay Rodney Morris ng America.
Si Gomez naman ay naunang nanalo kay Elvis Calasang, 9-7, at Carlo Biado, 9-4, bago sinibak ang Sweet 16 Predator champion na si Lee Vann Corteza, 9-3, sa semifinals pero nabigo pa rin na makuha ang pinakamalaking panalo kasunod na paglapag sa ikalawang puwesto sa World 9-Ball championships noong 2007.
Halagang $12,000 ang napasakamay ni Reyes na nakuha rin ang ikaanim na panalo sa taong ito para katampukan ang pagiging number one sa kasalukuyan kung kinita sa paglalaro ang pag-uusapan sa 2010.
May $7,000 naman si Gomez habang sina Morris at Corteza ay nagbitbit ng halagang tig-$3,500.
- Latest
- Trending