Dehado pero palaban

Aminado si coach Paul Ryan Gregorio na hindi ma­giging madali para sa Meralco Bolts na mamayagpag kaagad sa unang sabak nila sa 36th season ng Philippine Basketball Association na magsisimula sa Oktubre 3.

Sa araw na iyon ay mapapasabak kaagad ang “new kids on the block” kontra sa Barangay Ginebra.

Mahirap kaagad yung opening day assignment ng Bolts hindi lamang dahil sa mas malakas na team ang Barangay Ginebra at mas matagal nang magkakasama ang Gin kings kundi dahil maituturing na may “homecourt advantage” ang mga ito. Biruin mong tiyak na umaapaw ang fans sa Araneta Coliseum dahil sa opening day nga. Pagkatapos, majority ng mga fans na ito ay magtsi-cheer para sa Gin Kings!

Mahirap na pagpupugay ang mangyayari sa Bolts. Kaaway kaagad nila ang buong barangay!

Kung susuriin ang pinagmulan ng Bolts, masasabing halos nasa ibaba sila ng standings. Kasi nga’y majority ng mga manlalaro ng Meralco ay galing sa Sta. Lucia Realty. Ang prangkisang ito ang kanilang binili.

At bago nagkabentahan ay naipamigay ng Sta. Lucia sa Talk N Text sina Kelly Wiliams at Ryan Reyes. So talagang humina nga ang team.

Ang kagandahan dito’y maraming batang manlalaro ngayon si Gregorio. Bukod sa mga dating San Be­da stars na sina Yousif Aljamal, Roger Menor at Pong Escobal, pinapirma din ng Meralco ang apat na manlalarong nakuha nito sa nakaraang Rookie Draft. Kumbaga’y walang itinapon si Gregorio sa mga draftees na sina Gabriels Weinstein, Khasim Mirza, Ford Arao at Riego Gamalinda.

Sa totoo lang parang nagsama-sama ang mga taga-San Beda sa Meralco dahil inabutan din ni Gamalinda sina Menor, Aljamal at Escobal sa kampo ng Red Lions samantalang si Arao ay isang dating manlalaro ng San Beda Red Cubs bago nalipat sa Ateneo Blue Eagles sa college basketball.

At idagdag pa dito ang pangyayaring ang assistant coach ni Gregorio na si Ronnie Magsanoc ay isang da­ting San Beda Red Cubs bago napunta sa University of the Philippines Fighting Maroons.

Ang mga batang manlalaro ng Meralco ang siyang magiging pundasyon ng prangkisang ito. Pero sa kasalukuyan, natural na sasandig muna sila sa mga beteranong tulad nina Marlou Aquino, Nelbert Omolon at Mark Cardona na siyang magiging go-to guy ng Bolts.

Pero nilinaw ni Gregorio na kahit ang tingin sa ka­nila ng karamihan ay mahina pa’t hilaw, hindi ito na­ngangahulugang magmamatrikula muna sila at hindi magiging palaban.

Kahit daw sinasabi ng Meralco Bolts na dahan-dahan langang kanilang magiging build-up, kailangan sa umpisa pa lang ng paglahok nila’y palaban na sila kaagad.

Noong nakaraang season ay natikman ulit ni Gre­gorio na magkampeon sa all-Filipino tournament bilang coach ng Purefoods Tender Juicy Giants. Kung puwede personal na idepensa niya ang titulong nakamtan niya noong nakaraang season, pipilitin niya itong gawin kahit na para sa ibang koponan.

Show comments