Pinas delikado sa Korea, 2-0 na
MANILA, Philippines - Nanganganib ngayon ang hangarin ng Pilipinas na manatili sa Group I sa Asia Oceania Zone Davis Cup sa 2011 nang matalo sina Cecil Mamiit at Treat Conrad Huey sa opening singles sa relegation tie nila ng Korea na ginagawa sa Chanwon Municipal Tennis Courts sa Chanwon, Korea.
Minalas na magkaroon ng injury sa kanang kamay si Mamiit sa laro nila ng bagitong si Jeong Suk-young upang masayang ang panalo sa first two sets at yumukod sa 0-6, 1-6, 6-3, 6-0, 6-2 iskor.
Nauna naming nangibabaw ang Korean number one player na si Lim Young-kyu kay Huey sa apat na sets na labanan na tumagal sa tatlong oras at 50 minuto, 6-7 (8), 6-2, 7-6 (7), 7-6(4).
Hindi nakayanan ni Huey na maprotektahan ang hawak na 4-2 sa third set at 4-3 sa fourth set nang bumigay ito sa tie-break.
Umabante ang Koreans sa 2-0 kalamangan sa best-of-five tie at kailangan na lamang na manalo ang host team sa doubles competition na kung saan nominado nila sina Kim Hyun-joon at Seol Jae-min laban kina Elbert Anasta at Johnny Arcilla.
Ang mananalo sa relegation tie na ito ay mananatili sa Group I sa susunod na taon habang ang matatalo ay malalaglag sa Group II.
- Latest
- Trending