Low-scoring game asahan na sa labanang Ateneo, Adamson
MANILA, Philippines - Hindi dapat pagtakhan kung magiging isang low-scoring game ang tagisan ng Ateneo at Adamson sa ikalawang pares ng Final Four sa 73rd UAAP men’s basketball.
Ang dalawang koponan ay magkikita bukas ng alas-4 ng hapon sa Araneta Coliseum at asahan na pahusayan sa pagdepensa ang makikita sa tagisan.
Gaya ng trademark ni coach Norman Black, ang Ateneo ang number one defensive team matapos magbigay lamang ng 62.9 puntos at 34.5 shooting percentage sa mga kalaban.
Ang Adamson ang isa sa nakatikim ng matinding depensa ng Eagles matapos malimitahan lamang sa 52 puntos sa ikalawang pagtutuos na napanalunan ng Ateneo.
Ang 52 puntos ngang ito ang ikalawang pinakamababang output na ibinigay ng Eagles matapos limitahan ang NU Bulldogs sa 49 ng manalo ng 20 puntos noong Agosto 19.
May 27-game winning streak ang Eagles sa Falcons na nagsimula pa noong Setyembre 18, 1997.
Bukod sa matibay na depensa ay nakikitaan din ang Eagles ng magandang iskoring mula sa mga manlalaro.
Tanging si Eric Salamat lamang ang naghahatid ng doble-pigurang puntos sa 11.2 puntos pero tumutulong sina Mico Salva, Kirk Long at Justin Chua sa ibinigay na 9.5, 9.2, at 9.1 puntos matapos ang 14-game laro sa eliminasyon.
Ang Falcons naman ang number two sa pagbibigay ng puntos sa kalaban sa kanilang 63.8 puntos at nangungunang koponan sa pagpuwersa sa turnovers, 21.3 errors.
Pero kailangan naman nilang magpunyagi sa rebounding dahil sa sila ang pinakamahinang rebounding team sa 38.4 boards average gayong nagpaparada sila ng mga malalaking manlalaro tulad nina Cameroonian Austin Manyara, Jan Colina at Michael Galinato.
Ang tatlong higanteng ito ni coach Leo Austria ay nagtatambal lamang sa 12.4 rebounds kada laro bukod sa pinagsamang 11.7 points matapos ang 14-games sa double round elimination.
Tiyak na isasandal ng Falcons ang pagpuntos kina Alex Nuyles, Lester Alvarez at Eric Camson matapos maghatid si Nuyles ng 12.36 puntos, si Camson ay mayroong 9.6 at 9.5 naman ang hatid lagi ni Alvarez.
Kailangan lamang ng Ateneo na manalo sa larong ito upang umabante sa Finals laban sa FEU na sisimulan sa Setyembre 25.
Kung makahirit ang Adamson, ang rubbermatch ay isasagawa sa Setyembre 23.
Nakapasok na ang top seeds na FEU nang ikasa ang 69-59 overtime panalo sa kinapos na La Salle nitong Huwebes.
- Latest
- Trending