MANILA, Philippines - Isang panalo na lamang ang kailangan ng Adamson University upang tuluyan ng pagharian ang ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 matapos nilang maitakas ang five set na tagumpay, 25-13, 25-17, 32-30, 21-25 at 15-13 kontra sa San Sebastian sa Game One ng best-of-three Finals kahapon sa The Arena sa San Juan.
Binuhat ng tambalang Nerissa Bautista at Michelle Laborte ang Adamson ni coach Minerva Dulce Pante sa tagumpay sa kanilang tiniradang tig-22 puntos habang nakakuha sila ng sapat na suporta mula sa dalawang mainstays na sina Angela Benting na kumamada ng 21 puntos at Pau Soriano na nagtala ng 15.
Nagtulong sina Laborte at Soriano para pamunuan ang matinding net defense ng Lady Falcons sa kanilang inilistang walo at tatlong blocks ayon sa pagkakasunod sa kabuuang 16 ng koponan.
Nagpakawala naman ng 25 puntos si Thai ace Jaroensri Bualee para banderahan ang San Sebastian habang nagdagdag ng 18 si Joy Benito at 13 si Elaine Cruz.
Sa unang dalawang sets, iniwan ng San Marcelino-based spikers ang kanilang katunggali. Nagtala ng 16-3 na bentahe ang Lady Falcons sa unang set habang binura naman nila ang 5-8 na pagkakalugmok sa ikalawang set.
Bumangon mula sa hukay ang Lady Stags sa ikatlong sets kung saan ilang ulit pa nagpalitan pa ng kalamangan ang magkabilang panig at sa ika-apat na sets na kung saan muling nagparamadam si Bualee na tumipa ng 10 puntos sa naturang set.