Corteza kampeon sa Predator Sweet 16

MANILA, Philippines - Walong sunod na rack ang kinuha ni Lee Vann Cor­teza upang katampukan ang pagbalik nito buhat sa 0-4 iskor tungo sa 8-4 panalo kay Rodney Morris ng US at mapagharian ang Predator Sweet 16 nitong Martes ng gabi sa The Block sa SM North Edsa.

Hindi sinayang ni Corteza ang pagkakataong makatira uli nang hindi na nito papormahin pa si Morris para kunin ang kanyang ikaapat na titulo sa taong ito.

Bago ang kampeonatong ito ay nanalo muna si Corteza ng Davao City sa US Open 10-Ball Cham­pionship at Hard Times Mezz Cues 10 Ball Open.

Ang tagumpay ay nagkahalaga ng 10,000 Euros habang si Morris ay nag­kamit naman ng 6000 Euros.

Ang torneong ito ay da­pat nangyari noon pang 2009 sa Spain pero ipinagpaliban ito dahil sa problema ng tumayong promoter.

Narating ni Corteza ang finals nang talunin si David Alcaide habang si Morris ay nangibabaw kay Neils Feijen.

Kinatampukan ng pagpapasikat ni Corteza ng walong jump shot at kahalati nga rito ay nagresulta sa pagkapasok ng object ball.

Mismong si Predator CEO at President Karim Belhaj ang dumalo sa awarding ceremony at sinamahan si­na Negros Billiards Stable owner Jonathan Sy at Dragon Promotions CEO Cindy Lee.

Show comments