Orcollo nagparamdam agad
MANILA, Philippines - Binigyan ni Dennis Orcollo ng ningning ang kanyang kampanya na mapanatili ang titulo sa 10th Annual Predator International 10-ball Championship sa pamamagitan ng 8-1 panalo laban kay Judy Villanueva sa pagbubukas ng torneo kahapon sa SM North Edsa.
Halos perpektong laro ang ipinamalas ng nag-bye sa first round na si Orcollo na noong nakaraang taon ay tinalo si Ralf Souquet ng Germany para makuha ang kampeonato.
Ang nakapareha naman sa World Cup of Pool na si Roberto “Superman” Gomez ay kuminang din sa pamamagitan ng 8-5 panalo laban kay Edgar Acaba.
Hindi nakaporma si Acaba nang makalayo agad sa 6-2 si Gomez na nagnanais na kuminang sa torneo upang makabawi matapos mabigo sila ni Dennis Orcollo na mapagharian ang 2010 World Cup of Pool na nagtapos kamakailan.
“Gusto ko talaga sanang manalo rito. Pero relax lang ako sa laro ko,” wika ni Gomez na nakasali sa torneo matapos malusutan ang qualifying round.
Ang nagbabalik na si Doha Asian Games silver medalist Jeffrey de Luna ay nakalusot din sa unang laban sa pamamagitan ng 8-5 tagumpay kay Warren Kiamco habang ang iba pang nakalusot sa first round match ay sina Emil Martinez, Ruben Cuna, Elvis Calasang, Edgie Geronimo, Jundel Mazon, Villanueva at Dondon Razalan.
Si Martinez ay hiniya si Rudy Surasanto ng Indonesia, 8-5, si Cuna ay nanalo kay Kento Yonezu ng Japan, 8-7, si Calasang ay nangibabaw sa kababayang si Edgie Geronimo, 8-2, si Mazon ay nanalo kay Jason Klatt ng Canada, si Villanueva ay lumusot kay Vicaly Pavivkhik ng Russia, 8-7, at si Razalan ay nanaig sa kababayang si Victor Arpilleda, 8-5.
Sina Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Ronnie Alcano, Lee Van Corteza, Alex Pagulayan ng Pilipinas, Corey Deuel, Shane Van Boening at Charlie Williams ng US, Mika Immonen ng Finland at Mohammed Bin Ali ng Qatar ay nag-bye naman sa first round.
Tanging si Immonen na lamang ang European player na kasali dahil ang iba ay nagbalikan na matapos magpahayag ang European Pocket Billiards Association na papatawan nila ng ban ang mga sasali sa nasabing torneo.
May kasabay na Swiss Open ang torneong ito at gusto ng EPBA na sa Swiss maglaro ang kanilang mga pambatong manlalaro.
Dahil sa pangyayari ay nalaglag sa 55 players buhat sa 96 ang magtatagisan sa torneo at sa $12,000 premyo.
- Latest
- Trending