MANILA, Philippines - Umaasa si Nokia RP U18 coach Eric Altamirano na sapat ang mahabang preparasyon upang magtagumpay ang bansa sa paglahok sa 21st FIBA Asia U18 Championship sa Sana’a, Yemen mula Setyembre 22 hanggang Oktubre 1.
Ang Pilipinas ay nakasali sa torneo at kakatawanin ang Southeast Asia nang mapagharian ang SEABA event noong nakaraang taon.
“Ang maganda sa team na ito ay ang core players last year ay kasama pa rin at dinagdagan na lamang ng ilang players. Kaya may jelling na sila at may confidence na sila,” wika ni Altamirano.
Mangunguna nga sa koponan ang mga bigating manlalaro ng Ateneo tulad ng team skipper Kiefer Ravena at Von Rolfe Pessumal. Andiyan din si Kevin Ferrer ng UST habang ang iba pang kasapi ay sina Joshua Angelo Alolino, Cris Michael Tolomia, Rafael Banal, Jeron Alvin Teng, Roldan Sara, Russel Escoto, Kyle Drexler Neypes, Jeth Troy Rosario, Gwyne Matthew Capacio at Cederick Labing-isa.
Sina Tolomia at Teng ay mga naglaro sa Youth Olympic Games at ang karanasan nila ay makakatulong upang mapagtibay ang koponan.
Sina Fil-Am Bobby Ray Parks Jr. at Michael Pate na sumabak din sa YOG sa Singapore ay hindi naman isinama dala ng problema sa kanilang pag-aaral.
Maliban kina Ravena, Pessumal, Ferrer at Alolino, ang ibang kasapi ay tutulak na patungong Yemen sa Miyerkules. Si Alolino na naglalaro sa Perpetual Help ay aalis sa Biyernes habang sa Setyembre 21 naman ang lipad nina Ravena, Pessumal at Ferrer na ang mga koponan ay nagtatagisan sa UAAP juniors finals.
Ang Pilipinas ay nakasama sa Group C at unang laro nila ay sa Saudi Arabia sa Setyembre 22. Sunod nila ang pumangatlo sa huling edisyon na Syria bago tapusin ang group elimination laban sa China.