MANILA, Philippines - Mapaigting ang paghahabol sa twice-to-beat advantage ang nakaumang sa Jose Rizal University sa pagharap nila sa talsik ng Emilio Aguinaldo College sa pagpapatuloy ng 86th NCAA basketball sa The Arena sa San Juan City.
Dakong alas-4 itinakda ang sagupaang ito at ika-11 panalo sa 14 laban ang mapapasakamay sa Heavy Bombers kung mangibabaw sa General na mayroon lamang dalawang panalo sa 12 labanan.
Namumuro sa insentibo ang San Beda at San Sebastian na parehong may tig-12 panalo at ang nagdedepensang Stags nga ay may isang talo.
Pero makakabawi pa ang tropa ni coach Vergel Meneses kung mawawalis nila ang huling tatlong laro at umasa ang alinman sa Lions at Stags na hindi makahigit sa 13 panalo para magkaroon ng playoff.
May dalawang dikit na panalo ang Bombers na papasok sa laro sa General na kanila ring tinalo sa unang ikutan sa 74-70 iskor.
Pero asahan na lalaban pa rin ang Generals lalo nga’t si dating PBA guard Gerry Esplana na ang coach ng koponan kahalili ni Nomar Isla na ginawa namang board representative ng EAC sa Management Committee.
Bago ito ay magtatangka pa ang Letran na buhayin pa ang katiting na tsansa ng koponan na makalusot sa Final Four sa pagharap sa St. Benilde.
Ang tinamong 58-59 kabiguan sa nagdedepensang Stags nitong Lunes ang naglagay sa isang paa ng Knights sa hukay dahil sa tinamong 5-8 karta.
Kailangan nila ngayon na manalo sa nalalabing tatlong laro at umasa na ang pumapang-apat na Mapua ay hindi na makakauna pa ng isang panalo sa nalalabing tatlong laro para magkaroon ng playoff sa huling puwesto sa semifinals.