Antonio magpapasaklolo kay P-Noy
MANILA, Philippines - Hindi na magbabago pa ang kaparusahan na ipinataw ng NCFP kay Grandmaster Rogelio Antonio Jr.
Sa pagdalo ni NCFP president Prospero Pichay sa PSA Forum kahapon, sinabi niyang hindi kawalan si Antonio ng kanila itong tanggalin sa binuong men’s chess team na lalaro sa 39th World Chess Olympiad sa Khanty-Mansiysk, Russia.
“Mas malakas ang team na ito kahit wala si Joey. Lagi siyang problema sa NCFP at sa mga nagdaang koponan na kasama siya ay nagkakaroon ng di magandang unawaan ang mga kasapi ng team dahil sa pag-aasta nito,” wika ni Pichay.
Nauna rito ay humarap si Antonio kasama ang abogadong si Sammy Estimo upang ihayag ang kahandaan na dumulog kay Pangulong Benigno Aquino III, POC, PSC at kahit sa Korte para makakuha ng pabor na desisyon sa umano’y kawalan ng katarungan sa NCFP.
“May sulat ako na nagbibigay ng pahintulot sa akin ng NCFP na maglaro sa US. Sana ay maayos ang problemang ito. May sulat na rin ako kay Pangulo at sana ay mamagitan siya dahil national interest ito,” wika ni Antonio.
Pero matigas si Pichay dahil kailangan umanong bigyan ng kaparusahan ang aksyon ni Antonio na hindi bumalik ng bansa para sumali sa 1st Florencio Campomanes Memorial Cup.
“Nilagdaan ko ang dokumento pero ipinasabi ko na dapat ay bumalik siya para sa Campomanes Cup. Kailangan ay may disiplina ang mga atleta at may kaparusahan sa mga sumusuway sa kautusan ng asosasyon at wala rito ang kaibigan o kapatid kung pagpapatino sa isang atleta ang pag-uusapan,” pahayag pa ni Pichay.
Umani naman ng suporta ang aksyon na ito ng NCFP kay Antonio mula sa dalawang batang Grandmaster na sina John Paul Gomez at Darwin Laylo.
“Ngayon ay wala ng mangyayaring away-away sa team kaya hanga ako kay Mr. Pichay,” wika naman ni Laylo na nasa ikaapat na sunod na paglalaro sa Olympiad.
Bukod sa dalawang ito na maglalaro sa board two at three ay kasama rin si Super GM Wesley So bilang board one at GM Eugene Torre bilang board 4. Si IM Richard Bitoon ang alternate. Sa koponang ito inaasahan ni Pichay na tatapos sa top 20-25 na tatabon sa 48th finish sa nagdaang Olympian sa Dresden, Germany.
- Latest
- Trending