Aces, Llamados nasa unahan ng dalawang brackets para sa PBA All Filipino Cup

MANILA, Philippines - Pangungunahan ng Alaska Milk ang Group A habang ang B-Meg Derby Ace naman ang mamumuno sa Group B sa team bracketing sa kabuuan ng elimination round ng 2010-11 PBA Philippine Cup na magsisimula sa Oktubre 3 sa Araneta Coliseum.

Kasama ng Aces, ang Fiesta Cup titlists sa nakaraang season ang crowd-favorite na Barangay Ginebra Kings, Talk N’ Text Tropang Texters, Meraclo Bolts B-Boys at Air21 Express habang kasama ng Llamados ang San Miguel Beermen, Rain or Shine Elasto Painters, Powe­rade Tigers at Barako Energy Coffee Masters.

Ang sampung koponan ay hinati sa dalawang grupo base sa kanilang standings noong nakaraang season.

 Sa paparating na All-Pinoy tourney, ang sampung team ay lalaro sa 14 na laro sa eliminations. Ang magkaka-grupo ay maghaharap ng isang beses habang dalawang beses nilang makakalaban ang mula sa ibang grupo.

Magsisimula ang paparating na season ng kauna-una­hang pro league sa Asya sa bakbakan ng Barangay Ginebra at baguhang Meralco Bolts. Ang nag-iisang laro sa opening day ay sa ganap na alas-6 ng gabi pagkatapos ng opening ceremonies sa alas-4:15 ng hapon.

 Ang nagdedepensang All-Pinoy titlists naman na B-Meg Derby Ace ay sisimulan ang kanilang pagtatanggol sa titulo sa Oktubre 6 laban sa Talk N’ Text sa ganap na alas-7:30 ng gabi kasunod ng pagsusukatan ng Rain or Shine at Powerade na noo’y kilala bilang Coca Cola sa alas-5.

Sisimulan naman ng Fiesta Cup winners na Alaska ang bagong season sa kanilang pakikipagbuno sa Barako Coffee sa Oktubre 8 sa alas-5 ng hapon. Sa araw na iyon din bubuksan ng San Miguel ang kanilang kampanya laban sa Air21 na ibabandera ang mga prized picks na sina Noy Baclao at Rabeh Al-Hussaini.  

 Ang dalawang koponan na nasa ilalim ng standings sa pagtatapos ng preliminary round ay awtomatikong tanggal na, habang ang walong ko­­ponan ay aabante sa playoffs.

Ang top two teams naman ay magkakaroon ng twice-to-beat na bentahe la­ban sa ikapito at ikawalong koponan sa quarterfinals. Dadaan naman sa best-of-three series ang paghaharap ng number 3 at number 6 at ng number 4 at number 5. Ang semis at finals ay isang best-of-seven affair.

Show comments