MANILA, Philippines - Umaasa ang Integrated Cycling Federation of the Philippines (ICFP) na mapahihintulutan ng Philippine Olympic Committee (POC) ang pagsama ni Danilo Caluag sa Pambansang koponan na tutulak sa Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
Inihabol ng ICFP sa tulong ng extreme sports association sa bansa ang papel ni Caluag na pinaniniwalaang isang sure medalist sa BMX competition sa cycling sa Guangzhou.
Ang mga magulang ay mga Filipino, ang 23-anyos na si Caluag na naninirahan ngayon sa California, USA ay batikan sa BMX at siya nga ay nasa ika-11 sa ranking sa Latin America at pang-78 sa kabuuang ranking ng mga BMX riders sa buong mundo base sa international cycling federation na UCI.
Ang Pilipinas ay mayroon ding isang manlalaro sa BMX na si Eleazar Barba Jr. ngunit ang 22-anyos na manlalaro ay nasa ika-14th puwesto sa hanay lamang ng mga Asian riders.
Si Caluag naman ay lumalabas na ikatlong pinakamahusay na Asian rider kasunod nina Steven Wong ng Hong Kong na nasa 46th puwesto at Masahiro Sampei ng Japan na inookupahan ang ika-78th puwesto.
“Sure medal ito sa Asian Games dahil talagang nananalo na ito sa malakihang torneo sa BMX. Willing din siyang kumatawan sa Pilipinas kaya sana ay maisama siya,” wika ni ICFP secretary general Armando Bautista.
Inihayag naman ni extreme sports association president Monti Mendegoria na binigyan siya ng accreditation form ng POC nito lamang Huwebes at ang deadline para sa pagpapalabas ng kumpletong talaan ng manlalaro ay sa Setyembre 15.
Nauna ng naihayag ng POC na tanging ang mga nakapasa sa unified tryouts na ginanap sa hanay ng mga siklista ng ICFP at PhilCycling ang mga puwedeng sumama sa delegasyon.
Pero ipinaliwanag ni Bautista na walang BMX course sa bansa dahil hindi ito popular.
Sa ngayon ay may dalawang kalalakihan, dalawang kababaihan at dalawang youth riders ang naisama ng POC sa Asian Games delegation mula sa cycling na ang akreditasyon ay pipirmahan din ni Tagaytay Mayor at Philcycling president Abraham Tolentino na siyang may basbas ng UCI.