Stags nagpasolido sa No. 2 spot, lusot sa Knights
MANILA, Philippines - Kumapit uli ang suwerte sa nagdedepensang San Sebastian nang maitakas ang 59-58 panalo sa Letran sa pagpapatuloy ng 86th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan.
Naisantabi ng Stags ang pagkakabaon sa 15 puntos sa kalagitnaan ng ikatlong yugto at 32-44 papasok sa huling yugto nang magpakita ng maalab na paglalaro sa huling 10 minuto ng sagupaan.
Si Calvin Abueva nga ay mayroong 18 puntos habang 12 naman ang ibinigay ni John Raymundo at ang dalawa ang bumalikat sa pagbangon na ginawa ng tropa ni coach Renato Agustin.
“Inaasahan sila ng team at ipinakita lamang nila na sila ang mga lider namin,” wika ni Agustin na napanatili ang pagkakakapit sa ikalawang puwesto sa 12-1 karta.
Nalaglag naman ang Knights sa ikawalong kabiguan sa 13 laro at kailangan nilang mawalis ang nalalabing tatlong laro at umasang hindi na mananalo pa ang Cardinals na nakalapit sa puwesto sa Final Four sa bisa ng 79-72 panalo sa kulelat na Perpetual Help.
Nagsanib puwersa sina Abueva at Raymundo sa 21 buhat sa kabuuang 27 puntos sa huling yugto at ang magandang pasa ng huli ang siyang nagbigay ng isang puntos na kalamangan sa nagdedepensang kampeon.
Hindi naman ininda ng Cardinals ang di na paglalaro ng pambatong guard na si Andretti Stevens dala ng ACL, bunga ng mainit na ipinakita nina Allan Mangahas, Rodel Ranises at Mark Sarangay.
Si Mangahas ay sumablay lamang sa lima sa 13 attempt tungo sa 24 puntos habang apat na tres tungo sa 15 puntos naman ang hatid ni Ranises.
Sa ikatlong yugto tuluyang lumabas ang tikas ng Mapua nang ma-outscore ang Altas, 23-15, para tanganan ang 52-47 kalamangan matapos mapag-iwanan ng 29-32 sa halftime.
Ang panalo ay ikawalo sa 13 laban ng Cardinals na napanatili ang pagkapit sa ikaapat na puwesto.
Samantala, nanalo naman ang Altalettes sa Red Robins, 88-76, at ang Stagles sa Squires, 78-68, upang manatili naman ang pagkakahawak sa ikalawa at ikatlong puwesto sa juniors sa 9-4 baraha.
- Latest
- Trending