MANILA, Philippines - Naniniwala ang beteranong trainer na si Eddie Mustafa Muhammad na mananalo si Pambansang kamao Manny Pacquiao kay Antonio Margarito sa kanilang Nobyembre 13 na sagupaan sa Cowboy’s Stadium sa Texas.
Ayon kay Muhammad, magiging isang boxing clinic ang nasabing sagupaan at ang guro ay si Pacquiao na pupuntiryahin naman ang ikawalong titulo sa magkakaibang dibisyon.
Nakataya sa labanang handog ng Top Rank ang bakanteng WBC junior middleweight title (154lbs) at ito rin ang magiging kauna-unahang paglaban ni Margarito sa US matapos ang pagkaka-ban ng isang taon bunga ng pagkakadiskubre ng ilegal na bagay sa balot ng kanyang mga kamao sa laban nila ni Sugar Shane Mosley noong 2009.
“I think Pacquiao may outboxed him because Pacquiao is strong,” wika ni Muhammad na dati ring naghari sa WBA light-heavyweight division.
Nang magretiro ay pinasok ang pagiging trainer at siyang arkitekto sa pagkakapanalo ng titulo nina Iran Barkley at James Toney.
Naniniwala rin siya na hindi makikipagsabayan si Pacquiao dahil sa laking taglay ni Margarito ngunit sapat ang kanyang bilis upang manalo sa pamamagitan ng mga panaka-nakang puntos sa mga pakakawalang suntok.
“He is very strong and is just going to outbox him with that speed. He wouldn’t dare try to slug with him because if he tries to slug with Margarito, that would be to his detriment,” ani pa ni Muhammad sa panayam ng Secondsout.
Hindi naman magiging boring ang laban dahil maipapamalas umano ni Pacquiao ang tamang diskarte upang manalo sa mas malaking kalaban.