MANILA, Philippines - Kinakitaan ng ibayong determinasyon ang M. Lhuillier Kwarta Padala-Cebu nang kunin ang 73-72 panalo laban sa Misamis Oriental at maitabla SA 2-2 ang Tournament of the Philippines Finals series nitong Sabado sa Xavier University Gym sa Cagayan de Oro City.
Isinantabi ng Niños ang walong puntos na kalamangan ng Meteors, 70-62, may 5:13 sa orasan nang inunti-unti nila ang pagbangon sa pangunguna ni Mark Ababon.
Pumasok upang halinhinan ang na-foul out na si Stephen Padilla, si Ababon ay bumanat ng magkasunod na jumpers upang ibigay nga sa Niños ang isang puntos na kalamangan.
Nagkaroon pa ng pagkakataon ang Meteors na maagaw ang panalo pero kinapos ang birada ni Eder Saldua sa ilalim para manalo ang Ninos at magtabla sa 2-2 ang dalawang koponan sa best of five title series sa ligang pinagtutulungang itaguyod ng Philippine Basketball League at Liga Pilipinas.
Ang panalo ng tropa ni coach Raul Alcoseba ay nagresulta upang mabawi uli nila ang homecourt advantage dahil ang deciding Game Five ay lalaruin sa New Cebu Coliseum ngayong gabi.
May 16 puntos si Mark Magsumbol habang tig-siyam naman ang iniambag nina Padilla, Ababon at Ariel Mepana para sa nanalong koponan.
Si Patrick Cabahug ay mayroong 18 habang 14 at 11 naman ang ibinigay nina Reed Juntilla at Neil Raneses para sa Meteors.