Pinay cagers 'di na sasali sa China tune-up games
MANILA, Philippines - Tinamaan din ang naghahandang RP women’s basketball team ng pagkamatay ng walong Hong Kong nationals sa hostage drama sa Quirino Grandstand.
Naapektuhan ang planong pagtungo sa China ng koponang hawak ni coach Haydee Ong para mapaigting ang paghahanda para sa SEABA Women’s Championship na gagawin sa Ninoy Aquino Stadium mula Oktubre 24 hanggang 29.
“Dapat ay mayroon kaming tune-up games sa China pero dahil sa pangyayari ay mas minabuti na ng mga magulang ng mga players na huwag na itong ituloy,” wika ni Ong.
Sa ngayon ay sinisipat nila ang Korea o Japan upang ipalit sa naudlot na biyahe para magkaroon pa ng magandang paghahanda papasok sa torneo.
Makasaysayan ang SEABA Women’s dahil ito ang unang pagkakataon na idaraos ito sa Pilipinas at unang kampeonato rin ang pakay ng nationals na suportado ng Discovery Suites.
May 16 na players ang nagsasanay araw araw sa Ninoy Aquino Stadium at pinangungunahan sila ng mga Fil-Ams na sina Melissa Jacob at Ana Pineda at ang nagbabalik na 6’0” center na si Cassey Tioceso.
Ang tatlo ay dumating sa kalagitnaan ng Agosto at hindi pa nasasabak sa matinding laban di tulad sa ibang mga kasamahan na nakapagsanay sa Australia.
Maliban sa Pilipinas ay dadalo rin sa torneo ang makailang ulit na kampeon na Malaysia, Thailand, Indonesia, Singapore at Laos.
Pinakamataas na naabot ng Pilipinas sa SEABA women’s ay noong 2007 sa Thailand nang pumangalawa sila sa host country. Kabilang nga rito sina Jacob at Tioceso.
“Malaki ang tsansa natin dahil sa atin gagawin ang kompetisyon. Medyo maliit tayo pero babawi tayo sa speed, shooting at depensa,” may kumpiyansa pang pahayag ni Ong.
Isang single round robin ang magaganap sa anim na kalahok sa elimination round at ang mangungunang dalawang koponan ang aabante sa one game finals.
- Latest
- Trending