MANILA, Philippines - Nakitaan ng pinakamagandang paglalaro si Kenyan Lionel Manyara upang pamunuan ang Adamson sa 69-64 tagumpay sa La Salle sa pagpapatuloy ng 73rd UAAP men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
Ang 6’5 na si Manyara ay hindi napigil matapos huling dumikit sa 59-62 ang Archers sa huling tatlong minuto upang manalo ng malaki ang Falcons at makopo ang ikatlong puwesto sa team standings sa 9-5 karta.
“Malaking bagay ito sa Adamson community dahil nanalo kami sa positioning at may tsansa pang makaabante sa Finals. Ito rin ang marahil na kauna-unahang pagkakataon para sa Adamson na manalo ng dalawang sunod sa La Salle sa isang season,” masayang binanggit ni Austria.
Malaking papel ang ginawa ng bagitong si Manyara na nagtala ng career high na 11 puntos, 17 rebounds, 1 steal at 2 blocks.
Anim na sunod na puntos ang ginawa nito sa huling yugto para maisantabi ang apat na tres na pinakawalan ng Archers upang makabangon buhat sa 57-43 kalamangan na naipundar ng Falcons matapos ang ikatlong yugto.
Ang tip-in nga ni Manyara sa sablay na buslo ni Lester Alvarez ang naglayo sa limang puntos sa Falcons.
Nalaglag naman ang Archers sa 8-6 karta at makakalaban nila ang mangungunang koponan sa Final Four na madedetermina matapos magtuos ang FEU at Ateneo.
Napagtagumpayan naman ng National University ang pagpantay sa kanilang pinakamagandang karta sa liga sa huling mga taon sa pamamagitan ng 62-54 panalo sa UST sa isa pang laro.
Adamson 69 - Manyara 11, Alvarez 11, Nuyles 9, Cabrera 9, Etrone 8, Canada 8, Camson 7, Stinnett 2, Monteclaro 2, Galinato 2, Brondial 0, Lozada 0.
La Salle 64 - Vosotros 13, Marata 11, Dela Paz 9, Mendoza 8, Andrada 7, Villanueva 4, Webb 3, Reyes 2, Tampus 2, Paredes 2, Atkins 2, Ferdinand 1, Elorde 0.
Quarterscores: 15-18, 33-30, 57-43, 69-64.