3 Ginebra player nahaharap sa suspensyon
MANILA, Philippines - Bago pa man magsimula ang 36th season ng Philippine Basketball Association (PBA) ay posible nang maharap sa suspensyon at multa ang ilang Gin Kings ng Barangay Ginebra.
Ito ay matapos makipagrambulan sina Willy Wilson, Ronald Tubid at Rico Villanueva sa bumibisitang SK Knights sa kanilang tune-up game noong Miyerkules ng gabi sa The Arena sa San Juan na pinagwagian ng mga Koreans, 88-73.
Sina Wilson, Tubid at Villanueva ay nakatakdang ipatawag ng PBA Commissioner’s Office.
Nangyari ang kaguluhan nang makabangga ng 6-foot-2 na si Wilson ang isang Korean habang nagtatayo ng isang screen.
Binigwasan ni Wilson ang Korean sa ulo kasunod ang rambulan ng dalawang koponan.
Ang SK Knights ay nauna nang nakipaglaro sa Smart Gilas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para sa isang tune-up match.
Nauna nang nakausap ni PBA incoming Commissioner Atty. Chito Salud sina coaches Yeng Guiao ng Air21, Ryan Gregorio ng Meralco at Bo Perasol ng Powerade ukol sa pagiging pisikal ng mga laro sa 36th season.
- Latest
- Trending