MANILA, Philippines - Ipinagpapatuloy ng teenager na si Jayson Valdez ang kanyang pag-akyat sa kasikatan sa Philippine shooting nitong Linggo sa pamamagitan ng pagtatala ng bagong national record sa men’s 10-meter air rifle competition na ginanap sa PSC/ Marines Range sa Fort Bonifacio.
Ang 15-anyos na si Valdez, isang third year high school mula sa Malate Catholic School ay nagpukol ng 595 puntos upang padapain ang beteranong si Emerito Concepcion patungo na rin sa pagbura sa record ni Concepcion na 594 na nanatili sa loob ng apat na taon.
Ang produkto ng National Youth Development program na si Valdez ay nakapasok rin sa Pambansang koponan ng Pilipinas sa darating na Asian Games kasama sina Southeast Asian Games rapid fire titlists Nathaniel ‘Tac’ Padilla.
“Jayson will definitely go far in his event,” ani Padilla patungkol sa batang si Valdez. Si Padilla, anak ni dating Olympian Mariano “Tom” Ong ay nagpasalamat sa Philippine Olympic Committee sa paglalagay kina Valdez at Manosa sa RP Team.
Kumuwalipika si Manosca sa men’s 10-meter air pistol event sa kanyang itinalang 562 puntos upang ungusan si Carolino Gonzales ng isang puntos at Ronald Robies ng tatlong puntos.
Tumapos naman si Valdez ng may 16 puntos na kalamangan sa third placer na si Allen Pinlac na sinundan nila John Cymon Concepcion na may 570 puntos, Filbert Tan na may 556 at Dr. Allen Librojo na may 531.