Thais binawian nina Reyes, Bustamante

MANILA, Philippines - Naibaon na sa limot nina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante ang bangungot ng 2007 Thailand SEA Games nang iukit ang 8-3 panalo laban kina Nitiwat Kanjanasri at Sorathep Phoochalam ng Thailand sa pagbubukas ng 2010 PartyPoker.net World Cup of Pool sa Midtown wing ng Robinson’s Place sa Ermita, Manila kagabi.

Humugot ng inspiras­yon ang pambato ng bansa sa pool sa nag-uumapaw na palaruan upang balewa­lain ang naunang 2-0 ka­la­mangan ng bisitang man­lalaro.

Limang sunod na racks nga ang kinuha nina Reyes at Bustamante para tulu­yang makuha ang momen­tum sa race to eight, winner’s break na tagisan sa round of 32.

“Iba talaga kapag sa ha­rap ng mga kababayan ka naglalaro,” wika nga ni Reyes na kasama si Bus­­tamante ay hangad na madu­plika ang pagdodomina sa kompetisyon noong nakaraang taon na ginanap din sa bansa upang makopo ang ikatlong World Cup of Pool title.

Kasabay ng pag-init nina Reyes at Bustamante ay ang paglamig nina Nitiwat at Sorathep na noong 2007 ay umani ng 7-4 pa­nalo sa quarterfinals ng 9-ball doubles sa SEA Games.

Tatlong matitinding pocketing errors ang gi­nawa ni Thais sa racks num­ber five, seven at ten para katampukan ang ka­nilang pagbagsak.

Naipakita nina Yang at Zulfikri ang determinas­yong manalo nang hu­mabol sila buhat sa 0-5 at 2-6 pagkakalubog upang manatiling palaban sa titulo.

 Nagpasikat din ang German pair na sina Ralf Souquet at Oliver Ortmann sa pamamagitan ng 8-4 panalo kontra kina Lee Chenman at Kenny Kwok ng Hong Kong.

Sa iba pang resulta, nanalo sina Konstantin Stepanov at Ruslan China­khov ng Russia kina John Morra at Jason Klatt ng Canada, 8-4.

Show comments