MANILA, Philippines - Winalis ng FEU ang dalawang larong hinarap sa nagdaang UAAP men’s basketball at nagawa nila ang bagay na ito sa tulong ng pambatong manlalaro na si RR Garcia.
Si Garcia ay naghatid ng 17 puntos kada laro upang igiya ang Tamaraws sa 77-62 panalo sa National University at 70-48 pangingibabaw sa University of the Philippines para manatiling nangunguna ang tropa ni coach Glen Capacio sa liderato sa bisa ng 11-2 karta.
May 23 puntos nga si Garcia sa laro nila ng Bulldogs at 11 rito, kasama ang tatlong tres, ay ginawa niya sa ikatlong yugto nang tuluyang kunin ng Tamaraws ang momentum ng labanan.
Laban sa Maroons ay gumawa ang tubong Zamboanga ng 12 puntos bukod sa tatlong assists upang maaga pa lamang ay magdomina na ang koponang naghahangad na makakuha uli ng titulo na huling natikman noon pang 2005.
“May pressure dahil lahat ay nakatutok na sa amin dahil nasa Final Four na kami,” wika ni Garcia na pinarangalan sa ikaapat na pagkakataon ng UAAP Press Corps bilang Accel-Filoil Player of the Week na inihahandog din ng Gatorade at Terrilicious.
Bunga nito, tumitibay ang laban ng dating RP under-18 player sa karera para sa Most Valuable Player award bagay na isinantabi ni Garcia.
“Hindi ko iniisip ang bagay na iyan. Basta sa akin, gagawin ko ang lahat ng dapat kong gawin upang maipanalo ang team at maipasok sa championships,” pahayag pa ni Garcia.
Huling laro na lamang ang papasukin ng FEU sa linggong ito at mangyayari ito laban sa nagdedepensang Ateneo para madetermina kung sino ang lalabas na number one team sa pagtatapos ng double round elimination.
Si Eric Salamat ng Eagles bukod pa kina Jewel Ponferrada ng Bulldogs at sina Paul Lee at Raffy Reyes ng UE ang mga ikinonsidera para sa ibinigay na parangal sa linggong ito.