MANILA, Philippines - Hindi lalambot ang posisyon ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) patungkol sa pagpapatalsik kay GM Joey Antonio kahit nagpaplano ang manlalaro na magsampa ng demanda sa korte.
Ayon kay NCFP president Prospero Pichay, handa niyang harapin kahit saang korte dumulog si Antonio dahil nasa tama ang ginawang aksyon ng National Sports Association sa chess.
Matatandaan na pinatalsik sa Pambansang koponan si Antonio nang hindi ito bumalik mula sa US para maglaro sa 1st Florencio Campomanes Memorial Cup. Nainis ang NCFP dahil nag-utos na sila sa lahat ng kasapi ng national chess team na lumaro alinman sa Pichay Cup o Campomanes Cup dahil ang dalawang malalaking torneong ito na ginanap sa Ninoy Aquino Stadium ay kinatatampukan ng bigating GMs ng ibang bansa.
Pero mas pinili ni Antonio na maglaro sa weekend games sa US kaya’t napatalsik siya.
“They can sue me or the NCFP in all the courts of law if they want but the ban stays,” wika ni Pichay.
Tinawag ni Antonio na dumulog sa abogadong si Samuel Estimo, na mali ang desisyon dahil hindi siya nabigyan ng pagkakataon na maidepensa ang sarili sa mga akusasyon.
Ngunit nilinaw ni Pichay na ang mga NSAs ay may karapatan na magpataw ng kaparusahan sa mga manlalaro nito bilang disciplinary actions lalo na kung may ginawang mali sa alituntunin ng asosasyon.
Ang Campomanes Cup ay isinagawa bilang pagpupugay sa Filipino chess official na siyang namuno sa asosasyon sa panahong muntik nang magwatak-watak ang mga miyembro nito.
Si International Master Richard Bitoon na ang hinirang upang ipalit kay Antonio at makakasama nina GMs Wesley So, John Paul Gomez, Darwin Laylo at Eugene Torre sa World Chess Olympiad mula Sept. 21-Oct. 3 sa Khanty-Mansiysk, Russia.