Pagbutihin ang pagsasanay, bilin ni Pacquiao kay Margarito
MANILA, Philippines - Matapos ang kanilang US press tour ni Antonio Margarito sa Los Angeles, New York at Dallas, ang pagiging Congressman naman ng Sarangani ang gagampanan ni Manny Pacquiao.
Dumating na kahapon sa Ninoy Aquino International Airport ang 31-anyos na Filipino world seven-division champion mula sa United States.
Bago siya umuwi ng Pilipinas, sinabi ni Pacquiao sa 32-anyos na si Margarito na maghanda nang mabuti para sa kanilang laban sa Nobyembre 13 sa Cowboys Stadium sa Dallas, Texas.
“Sabi ko ‘mag-training ka nang mabuti. Kailangan magandang performance ang maibigay natin sa tao,” sabi ni Pacquiao sa Mexican fighter.
Bilang panimula ng kanyang paghahanda kay Margarito, ang pagtakbo ang unang gagawin ni Pacquiao bago sumabak sa pag-eensayo sa gym.
“Jogging-jogging muna, pa-condition muna kasi malayo pa ‘yung fight. Dalawang buwan pa so may time pa,” sabi ni Pacquiao, kilalang hindi nagpapaistorbo sa oras na tumapak sa boxing gym.
Sa kabila ng inaasahang pagiging abala niya sa training, sinabi ni Pacquiao na kaya niyang isabay ito sa kanyang trabaho sa Kongreso.
Pag-aagawan nina Pacquiao at Margarito ang bakanteng World Boxing Council (WBC) light middleweight crown.
- Latest
- Trending