Rivera, Posadas naghari sa World Cup elims
MANILA, Philippines - Ang dating world champion na si Biboy Rivera at ang papausbong na manlalaro na si Apple Posadas ang nangibabaw upang angkinin ang men’s at ladies’ title at ang tiket patungo sa 2010 Quibica AMF World Cup International Finals na gaganapin sa Oktubre15-24 sa Toulon, France nitong Sabado.
“I’m happy because it has been my long-time goal to compete in the (World Cup) international finals,” ani Rivera na tinalo si Paulo Valdez, 2-0 (243-235, 249-175) sa men’s finals na ginanap sa Mall Of Asia sa Pasay.
Ang national player naman na si Posadas ay pinataob ang kanyang nakababatang kapatid na si Lara, 2-0 (188-157, 247-177) upang angkinin ang titulo sa ladies’ division.
Tumipa sina Rivera at Posadas sa walong laro ng torneo ng nag-iinit na 233.97 at 212.11 pins, ayon sa pagkakasunod.
Ang 11-year RP Team member na si Rivera ay nagsumite ng 7487 na puntos sa 32 games habang si Posadas ay nagtala ng 5939 sa loob ng 28 na laro.
Tinalo ni Valdez si Joonee Gatchalian, 2-0 habang ginapi ni Lara Posadas si Krizziah Tabora, 2-1 upang makausad sa titular showdown.
Ang heavy favorites sa torneo na sina Paeng Nepomuceno at Liza Del Rosario ay hindi umabot sa top three spots ng serye.
Tumapos lamang sa pang-anim na puwesto si Nepomuceno sa kanyang 7,028 na puntos habang si Del Rosario naman ay nahulog sa ika-apat na puwesto sa kanyang 5,827 puntos.
Sumunod naman sa ika-apat na puwesto sa men’s division si Raoul Miranda sa kanyang 7,108 puntos na sinundan ni Sammy Sy na mayroong 7,076 puntos.
Si Rochelle Munsayac naman ay lumapag sa ikalimang puwesto sa ladies’ sa kanyang 5532 puntos na sinundan ni Mades Arles na may 5483 puntos, Abbie Gan na may 5395 at Wanda Teer na mayroong 5067.
- Latest
- Trending