Twice-to-beat dinagit ng Eagles
MANILA, Philippines - Kinailangan ng nagdedepensang Ateneo na magpakatatag sa huling minuto ng tagisan nila ng UST bago naitakas ang 81-77 panalo sa pagpapatuloy ng 73rd UAAP men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
Kampante nang nakalayo ng 25 puntos matapos ang ikatlong yugto, nabulabog ang Eagles nang magpakawala ng 32 puntos ang Tigers dala na rin ng biglang paglamya ng depensa lalo na sa mga 3-point shooters ng kalaban.
Ang tres ni Clark Bautista sa huling 36.6 segundo ang nagpalit sa koponan sa tatlong puntos, 81-77 at nagkaroon pa ang bataan ni coach Alfredo Jarencio na makadikit pa nang pumaltos ang sumunod na opensa ng Eagles.
Pero naging handa ang depensa ng two-time defending champion at napurnada ang drive ni Carmelo Afuang habang pinagbayad naman ni Kirk Long ang foul na inilapat ni Jeric Fortuna sa isang split sa free throw line na nagselyo ng tagumpay.
Ito ang ikasiyam na sunod na panalo ng Ateneo sa UST sapul noong 2007 pero higit rito, ang ikasampung tagumpay sa 13 laro ay sapat na para makuha ng Eagles ang ikalawang twice-to-beat advantage sa mga naghahabol na La Salle at Adamson na may parehong 8-5 karta.
“It’s hard to defend against a team that hits three-pointers like that. What is important is that we won,” wika ni coach Norman Black.
Si Eric Salamat ay mayroong 18 puntos, 5 assists at 2 steals habang nagsanib naman sina Chris de Chavez, Justin Chua at Long sa 33 puntos upang ipatikim sa Tigers ang kanilang ikasiyam na kabiguan sa 13 laro.
Nagpatuloy naman ang pagkakakapit ng Far Eastern University sa liderato sa pamamagitan ng 70-48 panalo sa University of the Philippines sa unang sagupaan.
Si RR Garcia ay mayroong 12 puntos at siyang natatanging Tamaraws na umiskor ng double digits. Pero hindi ito ininda ng tropa ni coach Glen Capacio dahil gumana naman ang bench players ng koponan na kumuha ng 36-4 bentahe sa katapat na Maroons.
Huling laro ng FEU ay sa Ateneo sa Sabado at kailangan lamang nilang manalo pa para maselyuhan ang unang puwesto papasok sa Final Four.
Nalaglag naman sa 0-13 ang Maroons at kapos na lamang ng isa pang kabiguan para mapantayan ang masamang record na naitala noong 2007.
- Latest
- Trending