MANILA, Philippines - Lumasap ng matinding dagok ang paghahabol sa unang dalawang puwesto ng La Salle at Adamson nang matalo sila sa pagpapatuloy ng 73rd UAAP men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
Nagtulong-tulong sina Paul Lee, Raffy Reyes at James Martinez para pamunuan ang 80-74 panalo ng University of the East sa Archers na nasundan naman ng isa pang 62-59 upset na panalo ng National University sa Falcons sa ikalawang laro.
Ang mga kabiguang ito ng La Salle at Adamson ay nagtulak sa dalawang koponan sa 8-5 karta upang mapag-iwanan na sila ng isa’t-kalahating laro ng pumapangalawang Ateneo (9-3).
Sa pangyayari ay nakuha na ng nangungunang FEU (10-2) ang isa sa unang dalawang puwesto at twice-to-beat advantage sa Final Four habang ang nagdedepensang Eagles ay maaaring makopo na rin ang ikalawa at huling insentibo kung mananalo sila sa laro sa UST ngayong hapon.
May 19 puntos, 4 rebounds, 4 assists at 3 steals si Lee, si Reyes ay gumawa ng career high 17 puntos habang 13 naman ang inihatid ni Martinez para sa Warriors na gumamit din ng pamatay na 15-6 bomba sa huling yugto para maselyuhan ang ikalimang panalo laban sa walong kabiguan.
Ang Bulldogs naman ay sumakay sa di inaasahang tres ni Jewel Ponferrada may 2.9 segundo para maitulak ang koponan sa kanilang ikaanim na panalo sa 13 laro.
May tig-11 puntos sina Ponferrada at Emmanuel Mbe para sa Bulldogs na nailista ang pinakamataas na panalo sa huling apat na taon.
Si Alex Nuyles naman ay may 10 puntos, pero naimintis niya ang tangkang panablang tres para unti-unti ng humulagpos ang paghahabol ng tropa ni coach Leo Austria sa insentibo sa semis.