Lady Tams humirit ng playoff

MANILA, Philippines - Sadyang ayaw pang magbakasyon ng Far Eastern University matapos nilang gapiin ang Ateneo upang manatiling buhay ang tsansa para sa semifinals ng Shakey’s V-League Season 7 second conference kamakalawa ng gabi sa The Arena sa San Juan.

Nakasikwat ng playoff seat para sa huling upuan sa Final Four ang Lady Tams matapos itakas ang 25-21, 27-25, 11-25, 25-18 panalo kontra Lady Eagles.

Nagpakawala ng 23 points si guest player Rachelle Anne Daquis para pagbidahan ang tagumpay ng FEU ni coach Nes Pamilar, habang tumipa si mainstay Cherry Mae Vivas ng 16.

Nag-ambag ng 11 points si Michelle Carolino para suportahan sila Daquis at Vivas.

Sa kanyang tinalang 23 puntos, binanderahan ni Thai import Surasawadee Boonyuen ang Ateneo ni coach Clint Malazo.

 Bukas ay muling maghaharap sa isang playoff ang FEU at Ateneo para madetermina kung sino sa kanila ang may karapatan na umusad sa best-of-three cross over semis laban sa semifinalist San Sebastian College-Excelroof.

Show comments