Cebu vs MisOr sa TOP Finals
MANILA, Philippines - Ikinasa ng M. Lhuillier Kwarta Padala-Cebu ang klasikong tagisan nila ng karibal na Misamis Oriental para sa Tournament of the Philippines (TOP) title nang talunin uli ang Treston Laguna, 89-79, sa Game Two ng semifinals nitong Miyerkules sa New Cebu City Coliseum.
Tumipak ng 22 puntos si Stephen Padilla kasama ang limang tres, habang may tig-15 puntos sina Ariel Mepana at Ian Saladaga para sa isa pang balanseng pag-atake upang makumpleto ng Niños ang 2-0 sweep sa Stallions sa best- of-three semis series.
Ang Game One ng Finals ay gagawin sa Setyembre 7 at dahil ang Niños ang nanguna sa eliminasyon ay siyang magtataglay ng homecourt advantage sa best-of-five series.
Ang tres nga ni Padilla ang nagpakinang sa 12-0 run na ibinagsak ng koponan sa unang yugto upang makuha agad ng host team ang 28-17 abante matapos ang 1st quarter.
Hindi na nakabangon pa ang Stallions sa puntong ito at napag-iwanan ng 23 puntos na nangyari ng dalawang beses, 63-40 at 65-42, bago ipinasok ni coach Raul Alcoseba ang kanyang bench players para matapyasan ng katunggali ang kalamangan sa respetadong iskor.
Ang Meteors na number two seeds ay walang hirap na nakaabante sa Finals nang hindi nakarating ang katunggaling Taguig na dapat isinagawa sa Xavier University Gym sa Cagayan de Oro.
- Latest
- Trending