MANILA, Philippines - Upang mapatindi lalo ang kanilang pagkapit sa unahan ng 10th edisyon ng NAASCU Basketball, kinailangan munang dumaan sa butas ng karayom ng University of Manila upang maitakas ang 82-75 na tagumpay sa overtime laban sa Our Lady Of Fatima University sa STI Gym sa Taguig City.
Muling sumandal ang Hawks sa troika nila Rhandelle Colina, Eugene Torres at Jef Alvin Viernes sa overtime upang irehistro ang kanilang ika-siyam na panalo sa sampung laban sa taunang torneong sinusuportahan ng GrandSports at Vega Balls.
Ang 5’9 na tubong Davao City na si Colina ay nagpakawala ng 26 puntos kabilang ang limang three-pointers habang ang 6’3 na sina Torres at Viernes ay may tig-16. Nagdagdag naman ng anim na puntos at 14 rebounds si JR Tan.
May pagkakataon sana ang Fatima na iuwi ang tagumpay ngunit nagmintis si Joseph Marquez sa isang freethrow matapos itabla ang score sa 69-all may walong segundo na lamang ang nalalabi sa regulasyon.
Sa sobrang limang minuto, dinomina na ng five-time titlists Hawks ang Phoenix, 13-6 sa pangunguna nila Colina, Torres at Viernes.
Sa iba pang laro, dinurog ng STI Colleges ang University of Makati, 83-49 habang ginupo ng defending champs San Sebastian College- Cavite ang AMA Computer University, 68-57.
Sa juniors division naman, tinalo ng Our Lady of Fatima ang STI Colleges, 68-58 upang lumapit sa pagwalis sa siyam na laro ng eliminasyon.
Sa isa pang juniors game, pinadapa ng University of Makati ang San Sebastian College, 75-72.