Antonio sibak na sa RP team, Bitoon ipinalit
MANILA, Philippines - Hindi na mabubuo ang naunang plano na all-Grandmasters sa Pambansang chess team sa dalawang malalaking torneo bago matapos ang taong ito.
Pinili ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) si International Master Richard Bitoon upang makumpleto ang limang manlalaro na aasahan sa tagumpay sa gagawing 39th World Chess Olympiad sa Khanty-Mansiysk, Russia mula Setyembre 21 hanggang Oktubre 3 at 16th Asian Games in Guangzhou, China mula Nobyembrer 12 to 26.
“Deserving naman si Bitoon dahil maganda ang ipinakikita niya dito sa 1st Florencio Campomanes Memorial Cup,” wika ni NCFP executive director Willie Abalos.
Aabisuhan na ni NCFP president Prospero Pichay ang Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission sa pagpasok ni Bitoon sa Pambansang koponan kahalili ng number two rank ng Pilipinas na si GM Rogelio “Joey” Antonio.
Si Antonio ay sinibak sa koponan at sa talaan ng mga NCFP national players nang hindi ito bumalik ng bansa para sumali sa Campomanes Cup.
Nasa US si Antonio at lumalahok sa tatlong araw na torneo at hindi ito nagustuhan ng NCFP dahil mahina ang lebel ng kompetisyon kumpara sa Campomanes Cup na nilahukan ng mga bigating GMs mula sa ibang bansa at may basbas ng FIDE.
Ang 20-anyos na si Bitoon ay nasa ika-12 puwesto sa ranking sa bansa sa kanyang ELO 2447 pero nagpapakitang-gilas sa Campomanes Cup dahil hindi pa ito natatalo matapos ang apat na rounds.
May dalawang panalo at dalawang tabla ito para sa tatlong puntos upang makatabla ang 13 iba pang manlalaro mula sa 4th hanggang 17th puwesto.
Siya ang magiging alternate sa koponan na binubuo ng mga GMs na sina Wesley So, John Paul Gomez, Darwin Laylo at Eugene Torre na nakatoka sa unang apat na board.
- Latest
- Trending