WBC payag na
MANILA, Philippines - Sinang-ayunan na ng World Boxing Council (WBC) ang laban sa pagitan nina Manny Pacquiao at Antonio Margarito para sa bakanteng WBC junior middleweight title sa Cowboy’s Stadium sa Dallas, Texas sa Nobyembre 13.
Walang tumutol sa WBC board sa planong pagkikita na ito nina Pacquiao at Margarito para sa titulong iniwan noon ni Sergio Martinez.
Pinili ni Martinez na iwan ang 154 lbs division at mamalagi na lamang sa WBC middleweight division na kanyang napanalunan ang titulo laban sa dating kampeon na si Kelly Pavlik sa unanimous decision noong Abril 17 sa Atlantic City, USA.
Dahil sa pagkakasang-ayon ng WBC, magtatangka uli si Pacquiao na gumawa ng kasaysayan dahil nakaumang sa kanya ang ikawalong world title sa magkakaibang dibisyon kung manalo sa nagbabalik na si Margarito.
Hindi naman magiging madali ang landas sa inaasahang tagumpay ng Kongresista ng Sarangani Province dahil tiniyak na ni Margarito na mananalo ito upang maipakita sa lahat na mali sila sa paghuhusga sa kanya nang kinaharap at natalo kay Sugar Shane Mosley noong Enero 24, 2009.
Nadiskubre ang paggamit ng illegal na kemikal ni Margarito sa nasabing laban upang masuspindi ng isang taon.
“I will knock Pacquiao out and show to the world that I’m back,” wika ng 32- anyos na si Margarito.
Ang dalawang boksingero na magtatagisan sa fight card na handog ng Top Rank ni Bob Arum ay magkikita sa unang pagkakataon sa araw na ito sa pormal na pagpapahayag ng laban sa Los Angeles.
May press tour din sa New York City sa Miyerkules (US time) bago magwakas sa Dallas sa Biyernes. (AT)
- Latest
- Trending