MANILA, Philippines - Napasama ang sugat na naibigay ng FEU kay Simon Atkins nang ipakita nito ang kanyang puso upang mapangunahan ang koponan sa tagumpay na kinuha sa nangungunang FEU.
May 19 puntos si Atkins, 10 nito ay galing sa huling yugto na kanyang ginawa kahit nakabandage ang kanyang kaliwang kilay dala ng pagkakatahi upang maisara ang putok na nagmula sa pag-uuntugan nila ni RR Garcia ng Tamaraws.
Ang sampung puntos, na nilakipan ng dalawang tres, ay mahigit ng isang puntos sa kabuuang iskor na ginawa ng Tamaraws sa huling yugto upang maiuwi ng Archers ang 80-66 panalo nitong Sabado sa 73rd UAAP men’s basketball.
Masidhi ang paghahangad na manalo ng tropa ni coach Dindo Pumaren di lamang upang mapatindi ang paghahabol sa Final Four kungdi dahil nagmula ang koponan sa nakakapanlumong 57-74 pagkatalo sa Ateneo.
“Coach Dindo really challenged us that if we want to bounce back from that loss, we can bounce back strong by beating FEU which is the no. 1 team in the UAAP,” wika ni Atkins.
Dala ng kanyang kabayanihan, si Atkins ang hinirang bilang Accel-FilOil UAAP Player of the Week at tinalo niya para sa parangal na suportado rin ng Terrilicious at Gatorade ang Ateneo guard na si Ryan Buenafe.
Si Buenafe ay gumawa ng 14 puntos at 12 rebounds nang kunin ng Eagles ang 55-52 panalo sa Adamson para maipasok na ang sarili sa semifinals sa kanilang 9-3 baraha.
“I don’t want to let the team down. Even if I’m injured, I still wanted to play,” wika pa ni Atkins.
Ang panalo ay ikapito sa 11 laro ng Archers at nananalig si Pumaren na naiangat uli ng koponan ang kanilang morale sa pagharap nila sa huling tatlong asignatura laban sa UST, UE at Adamson na magdedesisyon kung papasok ba sila sa Final Four at makakakuha ng twice-to- beat advantage.