So, 2 iba pa kumakasa pa sa Campomanes Cup chessfest
MANILA, Philippines - Sa pagsisimula ng pananalasa ng mga Intsik, pinanatili nina GM Wesley So at IM’s Rolando Nolte at Barlo Nadera ang pag-asa ng mga Pilipino pagkatapos ng tatlong rounds ng kauna-unahang Florencio Campomanes Memorial Cup Chess Championships sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang highest-rated Pinoy woodpusher na si So ay nakipagtabla kay GM Merab Gagunashvili ng Georgia upang iangat ang kanyang puntos sa 2.5 upang manguna sa malaking hanay ng mga manlalaro na nakikipagduwelo pa rin para sa US$ 10, 000 na pot money ng naturang torneo.
Nakipagkasundo rin sa paghahati ng puntos ang 27-anyos na si Nolte sa sixth seeded na si GM Li Chao ng China habang ang 30th seeded na si Nadera ay nakipagtabla rin kay fifth seed GM Chanda Sandipan ng India.
Ang grupo na kinabibilangan nina So, Nolte at Nadera na pare-parehong may 2.5 puntos ay naghahabol lamang ng kalahating puntos sa mga nangungunang sina third seed GM Zhou Jianchao at No. 11 GM Zhao Jun ng China na nagsasalo sa liderato na mayroong parehong tatlong puntos.
Ginupo ni Zhou ang number 12 na si GM Ehsan Ghaemmaghami ng Iran habang pinigil ni Zhao ang kanyang kababayan na si fourth seeded GM Ni Hua.
Kasama nina So na mayroong 2.5 puntos sina Gagunashvili, Li, IM Richard Bitoon, GM Murtas Kazhgalayev ng Kazakhstan at GM Ling Diren ng China.
Pinangungunahan naman nina GM Le Quabng Liem ng Vietnam at ang newly-crowned Pichay Cup titlists na si GM Anton Filippov ng Uzbekistan, ang 20 manlalaro na nagsasalo sa ika-11 hanggang 32 na puwesto kasama ang kauna-unahang GM ng Asya na si Eugene Torre.
Ang highest rated player na si Le na mayroong ELO ranking na 2681 ay tinalo si Pinoy woodpusher Noel Dela Cruz para sa kanyang unang tagumpay sa tatlong laban, habang tinalo naman ni Filippov si Haridas Pascua at pinataob naman ni Torre si Indonesian IM Tirto upang magtala ng dalawang puntos.
- Latest
- Trending