Pacquio tatalunin ni Margarito ayon sa bagong trainer
MANILA, Philippines - Kumpiyansa ang bagong trainer ni Antonio Margarito sa kanilang tsansa na talunin ang Pambansang kamao na si Manny Pacquiao sa Nobyembre 13 sa Cowboy’s Stadium, Texas.
Si Robert Garcia na humalili kay Javier Capetillo matapos sibakin ni Margarito dulot ng pagkakatuklas ng paggamit ng illegal na kemikal sa balot ng kanyang kamay nang kinaharap si Sugar Shane Mosley noong Enero 24, 2009, ang naggarantiya na lalaban ng sabayan ang Mexicano.
“I have been studying Manny Pacquiao’s fights. I’ve been studying him everyday so I honestly, honestly see us having a big chance of pulling it out,” wika ni Garcia nang nakapanayam ng Examiner.com.
Hindi na bago kay Garcia ang humawak sa isang boksingero sa malaking laban dahil siya ang trainer ng ibang bigating boxers kasama si Filipino ‘Flush’ Nonito Donaire Jr. at Brian Viloria.
Pinunto niya ang bentahe ni Margarito sa tangkad at laki ng pangangatawan na siya nilang gagamitin upang matalo si Pacquiao.
“Margarito has the strength, the power. He’s hungry to be the best and prove everybody wrong. He will get hit but he will just keep coming and coming and Pacquiao will get tired of just having Margarito on him,” paliwanag pa nito.
Paglalabanan ng dalawa sa pa-boxing na ito na handog ng Top Rank ang bakanteng WBC junior middleweight division (154 lbs) at kung mananalo nga si Pacquiao ay maiaakyat niya sa walo ang dibisyong pinagharian nito.
Maliban sa pagsasanay, ang isang bagay na tunay na magpapainit kay Margarito ay ang hangaring maisantabi ang masamang alaala dulot ng kontrobersya sa laban nila ni Mosley.
Nasuspindi siya ng isang taon at pinalad lamang na mapaboran ng Texas Department of Licensing and Regulation kamakailan nang gawaran siya ng lisensya para matuloy ang nasabing laban nila ni Pacquiao.
Mismong si Margarito nga ang nagsabi na tatalunin niya si Pacquiao upang maipakita sa lahat na hindi niya kailangang gumamit na anumang illegal para talunin ang mga tinitingalang pangalan sa sport.
Magkakaharap ang dalawang boksingero sa unang pagkakataon para sa labang ito sa Martes sa pagsisimula ng tatlong lugar na Press Tour sa Beverly Hills Hotel sa Los Angeles.
Ang iba pang lugar na pagdarausan ng Tour ay sa New York sa Miyerkules at sa Cowboy’s Stadium sa Biyernes.
- Latest
- Trending