Isang napakagandang experience para kay Rico Maierhofer ang pangyayaring nakapaglaro siya sa 2010 NBA-Asia Challenge na ginanap sa Araneta Coliseum noong Biyernes.
Naging kakampi ni Maierhofer sa Red team ang dalawang legends ng National Basketball Association na sina Glenn Rice at Gary Payton. Nagposte sila ng 177-167 panalo kontra sa White team na pinangunahan ng kapwa NBA legends na sina Chris Webber at Mitch Richmond.
Sa larong iyon, si Maierhofer ay nagtala ng 15 puntos, anim na rebounds, tatlong assists at isang turnover sa 17 minuto.
Well, kahit pa sabihing walang matinding depensahan sa larong iyon at parang katuwaan lang ang naganap ay hindi maitatatwang isang nakapalaking karangalan para kay Maierhofer na mapabilang sa NBA-Asia Challenge.
Aba’y siya ang pinakabatang manlalaro ng PBA na nakabilang sa game na iyon at napasama siya sa ganoong katinding grupo bunga ng pangyayaring pinarangalan siya bilang Rookie of the Year ng katatapos ng 35th PBA season.
Suddenly, things are looking up para sa dating manlalaro ng La Salle Green Archers na tubong Puerto Galera. Aba’y parang itinadhana ang pangyayaring ito sa kanya!
Kasi nga’y second pick overall lang sa 2009 PBA Draft si Maierhofer matapos na kunin ng Air21 (dating Burger King) si Japhet Aguilar at sungkitin siya ng Purefoods Tender Juicy Giants (ngayo’y B-Meg Derby Ace). Pero isang game lang ang nilaro ni Aguilar sa PBA at pagkatapos ay napunta na siya sa Smart Gilas.
Kaya hayun at dinomina ni Maierhofer ang kapwa baguhang manlalaro. Tinulungan pa niya ang Purefoods na magkampeon sa Philippine Cup. Hands down choice si Maierhofer para sa ROY award dahil sa napakalayo ng statistics at achievements ng ibang mga rookies.
Malaki at mabigat ang papel na gagampanan ni Maierhofer sa “future” ng B-Meg Derby Ace na ngayon ay gagabayan ni head coach Jorge Galent na humalili kay Paul Ryan Gregorio matapos na lumipat ito sa Meralco Bolts.
Sa totoo lang, marami ang nagsasabing malamang na si Maierhofer ang pumuno sa pusisyon ni Kerby Raymundo kung hindi na ito makapaglalaro ng mahahabang minuto. Kasi nga, noong nakaraang season, hindi na napakinabangan ng B-Meg Derby Ace si Raymundo sa Fiesta Conference na hinangad nilang madomina upang makumpleto ang isang “mini-sweep”
Kailangan nga lang na matularan ni Maierhofer si Raymundo sa iba pa’ng aspeto. Sa ngayon ay nakalalamang sa intensity si Maierhofer kung ikukumpara kay Raymundo. Pero angat si Raymundo sa leadership at sa range ng tira.
Kaya naman kailangang ma-develop din ni Maierhofer ang kanyang outside shots upang maging threat din siya sa opensang kagaya ni Raymundo. Kasi nga, sa kasalukuyan, higit na kilala si Maierhofer sa kanyang depensa.
Bata pa si Maierhofer. Papasok pa lang siya sa kanyang ikalawang season bilang isang pro. Napakalayo pa ng kanyang lalakbayin. Pero mukhang maaliwalas naman ang kanyang future sa PBA!
* * *
HAPPY birthday kina Greg Traquena ng Channel 4 na nagdiriwang ngayon at kina Carmela Balbuena Villena, Arsenic Lacson at Ed Ponceja bukas, Agosto 31 at belated naman kay Janssen Austria (Aug. 28).