Hawks tinalo ang Saints sa NAASCU
MANILA, Philippines - Pinabagsak ng five-time champion University of Manila ang host school St. Clare College-Caloocan, 85-75 upang mapanatiling matatag ang kapit sa liderato sa 10th NAASCU men’s basketball tournament sa UM gym sa Gastambide, Manila.
Maagang kinontrol ng Hawks na ginagabayan ng multi-titled coach na si Jojo Castillo, sa simula pa lamang ng sagupaan hanggang sa end game kung saan nagpasikat ang rookie sensation na si Rhandelle Colina upang ibigay sa Sampaloc-based dribblers ang walong panalo sa siyam na laban sa 12-team tournament na suportado rin ng Grand Sports at Vega Balls.
Tumapos si Colina ng 14 puntos, habang sumuporta naman si Eugene Torres ng 12 puntos para sa Hawks.
Samantala, binalikat ni Philip Roi Coronel ang opensa ng Saints sa kanyang inilistang game-high na 27 puntos.
Sa junior division, hiniya ng Centro Escolar University ang University of Makati, 96-78 upang makisalo sa liderato sa Our Lady of Fatima University na may anim na dikit na tagumpay.
Ibinangon naman ng St. Clare ang kanilang senior counterparts sa pagresbak sa UM Hawklets, 77-69 sa likod ng all around game ni Flynn Macapulay upang palakasin ang kanilang kampanya na umusad sa second round sa kanilang 4-4 win-loss slate.
Nagposte si Macapulay ng 19 puntos, nag-ambag naman sina Reynaldo De Mesa ng 15, puntos para sa St. Clare.
- Latest
- Trending